Nanumpa muli ng katapatan ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Code of Conduct ng militar bilang bahagi ng ika-35 anibersaryo ng naturang alituntunin.
Pinangunahan ni AFP Chief General Romeo Brawner Jr. ang seremonya sa Camp Aguinaldo, at sa kanyang talumpati, hinikayat niya ang lahat ng opisyal at miyembro ng sandatahang lakas na muling sariwain at ipaalala sa bawat kawal ang nilalaman ng Code of Conduct at Code of Ethics, na nagsisilbing gabay sa kanilang serbisyo at katapatan sa 1987 Constitution.
Binigyang-diin ni Brawner na ang Code of Conduct ay patuloy na magsisilbing kompas ng dangal, serbisyo, at patriotismo para sa bawat sundalo.
Kasabay nito, nagsagawa rin ng kaparehong aktibidad ang Philippine Army sa Fort Bonifacio, sa pangunguna ni Lt. Gen. Antonio Nafarrete.
Kung saan inilunsad din ang logo ng ika-90 anibersaryo ng AFP na may temang “Matatag na Sandatahang Lakas, Sandigan ng Bagong Pilipinas.”
Matatandaang kamakailan ay ibinunyag ni Brawner na ilang retiradong opisyal ang lumapit sa kaniya na nanawagan sa militar na bawiin ang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gitna ng isyu sa flood control anomalies, ngunit tumanggi umano rito ang kanilang pwersa.