Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines na hindi kinakailangang humingi ng pahintulot ng Pilipinas sa anumang bansa para magsagawa ng misyon ang tropa ng mga militar sa West Philippine Sea.
Ito ang binigyang-diin ni AFP Public Affairs Office chief Col. Xerxes Trinidad sa mensaheng ipinadala nito sa Bombo Radyo Philippines.
Kasunod ito ng naging pahayag ng China Coast Guard hinggil sa umano’y temporary special arrangements ng China sa Pilipinas hinggil sa rotation and resupply mission ng ating bansa sa mga tropang nakabase sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Giit ni Col. Trinidad, ang isang routine activity ang ginagawang rotation and resupply mission ng AFP sa loob ng exclusive economic zone ng ating bansa na parehong ipinunto ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla sa hiwalay na pahayag.
“The rotation and resupply (RoRe) mission is a routine activity of the AFP well within our EEZ. We need not ask for permission from any other foreign country on how to do our job in sustaining our forces deployed in the WPS.” saad ni Col. Trinidad sa mensaheng ipinadala nito sa Bombo Radyo.
“Ang AFP po regular mission po natin ‘yan, so we keep saying that we’re really going to provide the morale and welfare needs of our troops to include those from LS-57. We don’t actually need any permission from any country for us to do so,” pagsegunda ni Col. Padilla.
Kung maaalala, kamakailan lang ay nagsagawa ng airdrop mission ang mga tauhan ng AFP Western Command sa Ayungin shoal para magpadala ng mga supply ng pagkain sa mga tropa sa BRP Sierra Madre.
Ito nga ay matapos na makaranas ng ilang technical difficulties ang barkong Unaizah Mae 1 mula sa pinakahuling panghaharrass ng China Coast Guard na layunin sanang pigilan ang misyon ng AFP sa WPS.