-- Advertisements --

Puspusan ang pagtatrabaho ng militar ngayon upang lansagin ang natitirang 11 guerilla fronts ng New People’s Army (NPA).

Target ng militar na matapos ang pamamayagpag ng komunistang grupo hanggang sa katapusan ng taon.

Ayon kay National Security Adviser Eduardo Año na kabilang sa mga target na buwagin ng Armed Forces of the Philippines o AFP ay ang vertical units at party organs sa loob ng sub-regional at regional party committees ng organisasyon.

Sinabi ni Año, nakapaloob ito sa anti-communist roadmap na ikakasa hanggang sa taong 2028 kung saan binigyang diin niya ang mahalagang papel ng AFP kahit sa panahon ng transisyon mula sa internal patungo sa external na posisyon sa depensa.

Sa panig naman ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na itinakda na ng militar ang mga deadline para sa kanilang mga ground units upang lansagin ang mga nalalabi pang guerilla fronts ng NPA.

Ibinida ni Brawner na nagresulta ito sa pagtaas ng bilang ng mga armed encounter sa pagitan ng mga security forces at mga rebelde, pati na rin sa mga teroristang organisasyon na aktibo sa bansa.

Aniya, sakaling magtagumpay ang AFP, maaari nitong pagsamahin na ang lahat ng kanilang puwersa para sa purong external na depensa.