Nagpahayag ng suporta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kay incoming Department of Defense (DND) officer-in-charge (OIC), dating AFP chief Jose Faustino Jr.
Ito’y kasunod ng paghirang ni President-elect Ferdinand *Bongbong” Marcos, Jr. kay Faustino bilang kapalit ni outgoing Defense Secretary Delfin Lorenzana, sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Si Gen. Faustino ay manunungkulan bilang senior undersecretary ng DND at magsisilbing OIC ng kagawaran hanggang sa kanyang pag-upo bilang kalihim sa Nobyembre 13, pagkalipas ng isang taon na ban sa pag-appoint ng mga retired military officers.
Sa isang statement, sinabi ni AFP spokesperson Col. Ramon Zagala na ang 38 taong pagseserbisyo sa militar ni Faustino, na humantong sa kanyang pagiging AFP chief ay nagbibigay sa kanya ng “first hand knowledge” sa sitwasyong pangseguridad at pagdepensa ng bansa.
Tiniyak ni Zagala na buo ang suporta ng militar sa mga magiging plano at programa ni Faustino sa pagtugon sa mga kasalukuyan at hinaharap na hamon ng bansa.