-- Advertisements --

Kasalukuyan nang bumuo ngayon ang Armed Forces of the Philippines ng mga strategic bases na sumasaklaw din sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Ito ang inihayag ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. Kung saan ipinaliwanag niya na bahagi ito ng isinasagawang Comprehensive Archipelagic Defense Concept ng pamahalaan.

Aniya, maging sa eastern seaboard ng ating bansa ay may mga hakbang na rin ang kasundaluhan Para gumawa ng mga strategic bases maliban sa Silangan at Hilagang bahagi ng Pilipinas.

Gayunpaman ay nilinaw pa rin ni Gen. Brawner na mayroon pa ring mga requirements ang kinakailangang macomply ng AFP Para maisakatuparan ang naturang mga strategic bases, at Isa na rito ay ang 2025 budget.

Kung maaalala, una nang sinabi ng AFP na kasalukuyan na itong nagsasagawa ng mga kaukulang development sa kapabilidad ng bansa na protektahan ang seguridad ng mga teritoryong nasasakupan ng EEZ ng ating bansa.

Sa gitna pa rin ito ng umiigting pang tension ngayon sa West Philippine Sea dulot na rin ng mga bantang hatid ng China.

Kaugnay nito ay Matatandaan din na ipinag-utos ni Department of National Defense secretary Gilberto Teodoro Jr, ang paglulunsad ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept ng pamahalaan matapos na ipag-utos ni Chinese President Xi Jinping sa armed forces ng China na maghanda Para sa posibilidad ng pagkakaroon ng maritime military conflicts na tinukoy nitong bahagi ng kanilang pagprotekta umano sa maritime rights at interests ng kanilang bansa.