-- Advertisements --

Nagsagawa ng live-fire coastline defense drill ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kasama ang pwersa ng United States, Australia, at New Zealand bilang bahagi ng Exercise Balikatan 41–2026.

Pinangunahan ng Philippine Marine Corps ang Counter-Landing Live Fire Exercise (CLLFX-West) sa Apurawan Beach sa Aborlan, Palawan, kung saan isinagawa ang simulation ng pagdepensa laban sa enemy amphibious landing. Layunin nitong ipakita ang kakayahan ng pinagsanib na pwersa na hadlangan ang pagtatatag ng “beachhead” ng kalaban.

Gumamit ang mga kalahok ng pinagsamang air, land, at artillery assets, kabilang ang FA-50 fighter jets ng Philippine Air Force at HIMARS ng US forces, upang magsagawa ng coordinated strikes at reconnaissance operations.

Kasabay nito, nagsagawa rin ng anti-drone at air defense drills sa Zambales kung saan ipinakita ang kakayahan ng US at Philippine forces na tuklasin at pabagsakin ang aerial threats tulad ng drones at helicopters. Gayunman, hindi ginamit ang live aircraft sa bahaging ito dahil sa safety protocols.

Ayon sa AFP, ipinakita ng mga ehersisyo ang mataas na antas ng interoperability at koordinasyon ng mga alyadong bansa sa parehong combat at humanitarian scenarios. (Report by Bombo Jai)