BUTUAN CITY – Hindi na umabot pang buhay sa ospital ang isang magsasaka matapos masagasaan ng isang bus unit ng Bachelor Express Incorporated (BEI) pasado alas-9:55 gabi ng Lunes habang nakahiga sa daan.

Nakilala ang biktimang si Charito Fortallo, 37-anyos at residente ng Sitio Ampalaya, Brgy. Tagcatong sa bayan ng Carmen, Agusan del Norte habang ang suspetsadong driver naman ay nakilalang si Gilberto Galo, 41-anyos, residente ng Brgy. Antongalon nitong lungsod ng Butuan.

Ayon kay PCaptain Janicer Omiter – officer in charge ng Carmen Municipal Police Station, lumabas sa kanilang imbestigasyon na lasing ang biktimang mula pa sa pagsasaka at posibleng naabutan ito ng antok kung kaya’t sa daan na humiga.

Hindi na umano magsasampa pa ng kaso ang ka-anak ng biktima dahil sa kanilang amicable settlement sa pagitan ng bus company matapos mangakong aakuin ang lahat ng gastusin sa pagpalaibing nito.

Habang sa panig naman ng driver, inihayag ni Captain Omiter na dahil kurbada ang dapit pinangyayarihang lugar at madilim pa kung kaya;t huli na nang kanyang makita ang nakahigang biktima rason na hindi na niya naiwasan pa.