Iginiit ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pangangailangan na paghandaan sa kauna-unahang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Ginawa ng Hepe ang pahayag sa kayang unang command conference sa Camp Crame.
Tinitiyak ng Pambansang Pulisya na makikipagtulungan sila nang lubos sa Commission on Elections (COMELEC) upang garantisado ang isang ligtas, patas, at maayos na halalan para sa lahat ng mga Pilipino.
Ang pakikipagtulungang ito ay naglalayong protektahan ang proseso ng pagboto mula sa anumang uri ng karahasan, panlilinlang, o kaguluhan.
Kasama rin sa mga naging paksa ng pag-uusap at pagpupulong ang isang maayos at organisadong transition ng mga personnel ng Pambansang Pulisya sa lalawigan ng Sulu, kasunod ng pormal na pagiging bahagi nito ng Region 9, na kilala rin bilang Zamboanga Peninsula.
Binibigyang-diin din ni Chief Nartatez ang agarang pag-aayos ng mga personnel, ang mga napapanahong usaping pinansyal, at ang wastong pamamahala sa iba pang resources ng Pambansang Pulisya (PNP).
Ito ay upang matiyak na ang lahat ng mga yunit ay may sapat na kagamitan at suporta upang maisagawa ang kanilang mga tungkulin nang epektibo.
Dagdag pa rito, mahigpit na inatasan niya ang lahat ng mga opisyal na mas palakasin pa ang mga operasyon ng pulisya at ang risk management plan sa kani-kanilang mga nasasakupan.