Sinuspinde ng Department of Tourism (DOT) ang accreditation ng City Garden Grand Hotel sa loob ng anim na buwan.

Napatunayan kasing iligal na tumatanggap ng mga guests ang naturang hotel para sa leisure activities, kahit pa isa itong quarantine facility sa kasalukuyan.

Binawi rin ng DOT ang certificate of authority to operate ng hotel at pinatawan ito ng P10,000 multa, pero binibigyan naman ng karapatan na umapela sa mga penalties na ito.

Magugunita na sa City Garden Grand Hotel umupa ng kwarto ang flight attendant na si Christine Dacera at mga kaibigan nito para sa kanilang New Year’s Eve party.

Sa cr ng kwartong 2209 ng hotel natagpuan ng kanyang mga kaibigan si Dacera na wala nang buhay noong umaga ng Enero 1, 2021.

Samantala, pinapaalalahanan naman ng DOT ang mga accomodation establishments na mayroong certificate to operate bilang quarantine facility na bawal silang tumanggap ng guests para sa leisure activities.

Iyon namang mga hotels na may certificates to operate para sa leisure activities ay hindi pinapahintulutan na magsilbi bilang quarantine facilities.