-- Advertisements --

Hiniling ng abogado ng mga biktima sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan sila ng mas mahabang panahon upang tumugon sa hiling ng kampo ni Duterte na i-disqualify si ICC Chief Prosecutor Karim Khan.

Sa apat na pahinang dokumentong inilabas ng International Criminal Court (ICC) noong Agosto 15, sinabi ni Paolina Massidda ng Office of the Public Counsel for Victims (OPCV) na hindi agad nila nakuha ang mga dokumentong ginamit ng depensa bilang batayan ng reklamo.

Aniya, binigyan lang sila ng access sa mga ito noong Agosto 11, limang araw matapos ihain ng depensa ang petisyon noong Agosto 6. Dahil dito, humiling siya na magsimula ang pagbibilang ng deadline mula sa petsa ng pagkakatanggap ng mga dokumento.

Samantala, kinilala naman ng abogado ni Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman ang pagiging bukas ni Khan sa pagsisiwalat ng anumang posibleng conflict of interest, ngunit iginiit pa rin ng kampo ni Duterte na dapat siyang ma-disqualify dahil sa dating papel niya bilang abogado ng isa sa mga biktima.

Kasalukuyang naka-leave si Khan dahil sa hiwalay na alegasyon ng sexual misconduct.

Matatandaang dati na ring humiling ang depensa na i-disqualify ang dalawang hukom ng ICC Pre-Trial Chamber I, ngunit tinanggihan ito ng korte bago ang nakatakdang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23, kaugnay ng kasong crimes against humanity na isinampa laban kay sa dating pangulo, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands mula pa noong Marso 14.