Naglabas si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Charlito Martin R. Mendoza ng OCOM Memorandum Order No. 124-2026 noong Nobyembre 25, 2026, na nag-aalis sa mandatory prior clearance mula sa Imports Assessment Service (IAS) kung ito ay kinakailangan lamang batay sa commodity classification o tariff heading.
Ayon kay Mendoza, layunin ng repormang ito na pababain ang gastos sa pagnenegosyo sa bansa at bawasan nang hanggang tatlong araw ang oras ng pagpoproseso ng mga kargamento para sa mga importer.
Sakop ng kautusan ang mga produkto sa ilalim ng OCOM Memorandum No. 70-2025 tulad ng mga sasakyan, heavy equipment, bus, truck, barko, bakal, bigas, resin, at iba pang kargamentong saklaw ng Executive Order No. 877-A, series of 2010.
Ipinaliwanag ng opisyal na lumilipat na ang kawanihan sa isang risk-based approach upang mapabilis ang paglabas ng mga lehitimong kargamento habang nakatutok ang kanilang pwersa sa mga importasyon na nangangailangan ng masusing pagsusuri.
Sa ilalim ng bagong direktiba, patuloy pa ring beberipikahin ng mga customs officer sa mga pantalan ang deskripsyon, klasipikasyon, at halaga ng mga inaangkat na produkto upang matukoy ang tamang buwis, at irerefer lamang sa IAS kung may mga partikular na risk indicator o malaking pagkakaiba sa deklarasyon.
Agad na papayagang makalabas ang mga kargamento kapag nasuri na nang wasto at nakumpleto ang lahat ng legal na permit, clearance, at inspeksyon.
Inatasan din ng kautusan ang IAS at ang Management Information System and Technology Group (MISTG) na pagbutihin ang Enhanced Value Reference Information System (e-VRIS) upang madaling matukoy ang mga hindi tugmang valuation at ma-flag ang mga transaksyong kailangang suriin.
Nilinaw ni Mendoza na ang mga reference value at nakaraang datos ay gagamitin lamang para sa risk assessment at beripikasyon, habang mananatiling nakabatay ang valuation sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at sa World Trade Organization (WTO) Agreement on Customs Valuation.
Magtutulungan din ang IAS at ang mga tanggapan ng assessment, audit, intelligence, at enforcement ng BOC upang matukoy ang anumang kaso ng undervaluation, misclassification, at iba pang iregularidad sa buwis.
Ang mga transaksyong mangangailangan ng karagdagang pagsusuri matapos mailabas sa pantalan ay isasailalim sa post-clearance audit, reassessment, o karampatang aksyong legal.
Binigyang-diin ni Mendoza na ang hakbang na ito ay pagtugon sa direktiba nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Finance Secretary Frederick D. Go na gawing mas madali ang pagnenegosyo sa Pilipinas.
Tiniyak ng pinuno ng BOC na patuloy nilang rerepasuhin ang kanilang mga proseso at aalisin ang mga lumang rekisito na hindi na nakatutulong upang makapaghatid ng tunay na ginhawa sa kanilang mga stakeholder.
















