Isinasailalim na ng Office of the Ombudsman sa masusing lifestyle check ang nasa 107 opisyal ng gobyerno.
Kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa ginanap na budget hearing sa Mababang Kapulungan na karamihan sa mga sinusuring opisyal ay nagmula sa mga income-generating agency tulad ng Land Transportation Office (LTO), Bureau of Customs (BOC), at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Inaasahan ding madaragdagan pa ang naturang bilang dahil patuloy ang panggagalap ng impormasyon ng mga imbestigador laban sa mga nagpapayaman sa puwesto.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na buhayin at paigtingin ang lifestyle checks sa mga kawani ng pamahalaan.
Umagapay ang direktiba matapos matuklasan ang pagkakasangkot ng ilang opisyal sa mga anomalya at anomalosong transaksyon sa mga flood control project sa bansa.
Layunin ng pagsusuri na alamin kung tugma ang marangyang pamumuhay at mga ari-arian ng mga opisyal sa kanilang opisyal na kita at idineklarang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
















