-- Advertisements --

Inilabas na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang opisyal na classification ratings para sa mga bagong pelikulang sci-fi, action-adventure, romantic comedy, at concert live viewings na nakatakdang mapanood sa mga sinehan ngayong unang linggo ng Nobyembre.

Ayon kay MTRCB Chair at CEO Lala Sotto, pumalo sa PG (Parental Guidance) hanggang R-16 ang ipinataw na klasipikasyon, kasabay ng paalala sa mga magulang na suriin munang mabuti ang angkop na rating bago isama ang pamilya sa panonood ng sine ngayong weekend.

Kabilang sa mga nakakuha ng PG rating ang local family drama na “Buddy” na pinagbibidahan nina Michael de Mesa, Benjie Paras, EA Guzman, Elijah Canlas, Elisse Joson, Empoy Marquez, at Shaira Diaz; ang 39th installment na “Godzilla Minus Zero” nina Ryunosuke Kamiki at Minami Hamabe; ang Indian epic na “Ramayana: Rise of a Legend” nina Ranbir Kapoor at Sai Pallavi na eksklusibo sa SM Cinemas; at ang animated film na “The Cat in the Hat” na binigyang-boses nina Bill Hader, America Ferrera, at Xochitl Gomez.

Para naman sa mga K-Pop fans, binigyan din ng PG rating ang mga inaabangang concert live viewings tulad ng *”Stray Kids World Tour”* na mapapanood lamang sa SM Cinemas ngayong Nobyembre 7, at ang “EXO PLANET #6 – EXhOrizon [dot]” na nakatakda naman sa Nobyembre 8.

Sa kabilang banda, napunta ang R-13 rating sa South Korean psychological thriller na “Paradise Lost” na pinagbibidahan ni Kim Hyun-joo, pati na sa rom-com na “Wicker” nina Alexander Skarsgård, Olivia Colman, at Elizabeth Debicki. Samantala, nakakuha naman ng R-16 rating ang 2024 action movie na “Hellhound” nina Louis Mandylor, Panya Yimmumphai, at Vithaya Pansringarm dahil sa mga eksena ng matinding karahasan, na eksklusibong mapapanood sa Megaworld Cinemas.

Muling ipinaalala ng kawanihan na ang G ay para sa lahat ng edad, ang PG ay nangangailangan ng gabay ng magulang para sa mga bata, habang ang R-13, R-16, at R-18 ay mahigpit na ipinapatupad batay sa legal na edad ng manonood.