Nagbabala ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na papatawan ng kaukulang parusa, kabilang ang suspensyon o kanselasyon ng permits, ang mga public utility vehicle (PUV) operators na magpapalabas ng mga hindi angkop na pelikula o video content ngayong pagdagsa ng mga biyahero para sa Semana Santa.
Batay sa inilabas na memorandum ng ahensya, mahigpit na ipinag-uutos sa mga operators ng mga bus, pampasaherong barko, at iba pang common carriers na tanging mga palabas lamang na may klasipikasyong G (General Patronage) at PG (Parental Guidance) ang maaaring idispley sa loob ng kanilang mga sasakyan.
Paliwanag ni MTRCB chairperson Lala Sotto, ang G rating ay nangangahulugang angkop ang palabas sa lahat ng manonood, habang ang PG naman ay nangangailangan ng gabay ng magulang sa ilang mga eksena.
Binigyang-diin ni Sotto na pangunahing layunin ng hakbang na ito na protektahan ang mga komyuter, lalo na ang mga menor de edad, mula sa pagkalantad sa mga hindi angkop na materyal.
Upang matiyak ang mahigpit na pagpapatupad ng nasabing direktiba, ipinakalat na ng ahensya ang kanilang monitoring and inspection unit upang magsagawa ng mga on-ground checks.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng ahensya na tinatawag na Responsableng Panonood.
















