Binigyang-diin ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang pangangailangan para sa mas mataas na antas ng transparency sa mga transaksyon ng gobyerno at mas mahigpit na pananagutan para sa mga opisyal na nasasangkot sa korapsyon.
Inihayag ito ng opisyal sa kaniyang pagdalo sa isang pagpupulong kasama ang Cebu business community sa Cebu City, kabilang ang mga kinatawan mula sa Cebu Chamber of Commerce and Industry.
Ayon kay Remulla, nagbunga ng makabuluhang pagsulong at positibong resulta ang kaniyang pakikipagpulong sa sektor ng negosyo sa Cebu.
Iginiit ng Ombudsman na napakahalaga ng suporta sa mga negosyante para sa paglago ng ekonomiya at paglikha ng mas maraming trabaho, at binigyang-diin na kung pahihirapan ng gobyerno ang mga negosyo ay ang taumbayan din ang magdurusa sa huli.
Tugon din ito sa mga reklamo hinggil sa mabagal na proseso at mabibigat na kinakailangan sa mga tanggapan ng gobyerno, kung saan isinusulong niyang gawing digital o online ang pagkuha ng mga permit at lisensya upang maiwasan ang korapsyon, pang-aabuso, at ang pakikialam ng mga fixer.
Nilinaw ng opisyal na bukod sa pagsasampa ng kaso at pagpapakulong sa mga lumalabag sa batas, layunin din ng kaniyang tanggapan na tiyaking maging mas epektibo at maayos ang operasyon ng mga negosyo at ang pangkalahatang takbo ng bansa.
















