Iginiit ni Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin M. Bagaforo na ang impeachment proceedings laban kay VP Sara Duterte ay isang prosesong konstitusyonal para sa pananagutan at hindi dapat ituring na political persecution.
Ayon sa obispo ng Diocese of Kidapawan, mahalagang hayaang umusad ang due process nang walang sagabal upang mabigyan ng pagkakataon ang magkabilang panig na mailahad ang kanilang mga argumento at ebidensya. Giit niya, kung inosente ang bise presidente sa mga alegasyon, ang impeachment process din umano ang tamang paraan upang malinisan ang kanyang pangalan.
Binigyang-diin din ni Bagaforo na ang mga opisyal ng gobyerno, lalo na ang mga nasa matataas na posisyon, ay dapat managot sa publiko at sumunod sa mga mekanismong itinakda ng Konstitusyon. Aniya, hindi dapat tingnan ang accountability bilang destabilization o harassment kundi bilang mahalagang bahagi ng demokratikong pamahalaan.
Ang pahayag ng obispo ay kasunod ng pag-usad ng impeachment complaints laban kay Duterte matapos pagtibayin ng House Committee on Justice ang probable cause sa dalawang reklamo at aprubahan ang articles of impeachment, na nakatakdang dalhin sa plenaryo para sa botohan sa Mayo 11. (report by Bombo Jai)
















