Umakyat na muli sa 180 meters ang antas ng tubig sa Angat Dam, mula sa dating napakababa na 150 meters, halos isang buwan na ang nakakalipas.
Dahil dito, lagpas na sa critical level na 160 meters ang antas ng naturang dam.
Matapos ang halos tatlong linggo na pag-ulan sa watershed ng dam, umangat ang antas nito ng halos 30 meters.
Bago ang mga serye ng pag-ulan ay pinangangambahang lalong bababa ang antas ng tubig sa Angat na pangunahing nagsusuplay ng malinis na tubig sa National Capital Region at iba pang katabing probinsiya.
Sa kabilang banda, patuloy namang nagpapakawala ng tubig ang dalawang malalaking dam sa Luzon na Ambuklao Dam at Binga Dam.
Sa Ambuklao, dalawang gate nito ang nakabukas at nagpapakawala ng mahigit 213 cubic meters per second (cms) na tubig.
Dalawang gates din ang nakabukas sa Binga dam ngunit mas mataas ang pinapakawalan nitong bulto ng tubig na nasa 225 cms.
Ang antas ng tubig sa dalawang nabanggit na dam ay parehong isang metro lamang na mas mababa kumpara sa Normal High Water Level ng mga ito, dahil na rin sa mga naipong tubig-ulan.
Batay sa record ng state weather bureau, pare-pareho nang umaangat ang antas ng tubig sa lahat ng major dam sa Pilipinas.
















