Nagbabala ang state weather bureau sa mga residente sa Visayas dahil sa matinding pag-ulan na dulot ng bagyong Wilma.
Lumalabas sa pagtaya ng ahensiya na makakaranas ang buong Visayas ng malawakang pag-ulan mula ngayong araw hanggang sa araw ng Lingo.
Inaasahang unang makakaranas ng hanggang 100mm ng ulan ang mga probinsiya sa Eastern Visayas ngayong araw hanggang bukas
Tuluyang lalawak ang saklaw nito hanggang sa Central Visayas, Negros Island Region, at Western Visayas, pagsapit ng Sabado hanggang sa araw ng Lingo.
Ayon kay Dr. Marcelino Villafuerte II, Deputy Administrator ng state weather bureau, posibleng magtagal ng ilang oras ang mga serye ng pag-ulan na kinalaunan ay magdudulot ng mga malawakang pagbaha.
Maliban kasi sa bagyong Wilma ay inaasahang makaka-apekto rin sa Visayas ang shearline na kasalukuyan ngayong umiiral sa silangang bahagi ng bansa.
Dahil dito, pinag-iingat ng opisyal ang mga mamamayan sa Visayas, lalo na ang mga dati nang nakaranas ng malawakang pagbaha sa nakalipas na bagyong Tino at Uwan.













