-- Advertisements --

Naniniwala umano si Sen. “Bong” Revilla Jr., na nasa langit na ang ama nito na si Ramon Revilla Sr., para patuloy silang bantayan.

Revilla laid to rest
(C) from Bong Revilla’s FB page

Pahayag ito ng 53-year-old actor politician kasabay ng libing ng kanyang 93-anyos na ama kaninang hapon kung saan hindi pa rin daw ito makapaniwala.

Sa halip naman na pangkaraniwang funeral car, sa karwahe ng patay na napapaligiran ng kulay puting bulaklak isinakay si Revilla Sr., at nasa ibabaw nito ang watawat ng Pilipinas.

May ilang sundalo rin ang nasa paligid ng karwahe kung nasaan ang labi ni Revilla Sr.

Pawang nakasuot ng face mask at nakasunod naman sa social distancing ang mga nakipaglibing kabilang ang ilang kilalang personalidad.

Revilla laid to rest social distancing

Tulad sa pag-anunsyo sa pagpanaw ng kanyang ama, idinaan din ng nakababatang Revilla sa Facebook Live ang paghahatid sa huling hantungan mula sa Imus Cathedral hanggang sa kanilang family-owned na Angelus Memorial Park.

Una rito, bandang alas-2:00 kaninang hapon idinaos ang huling misa (Misang Parangal) para kay Don Ramon kung saan binuksan ang salamin ng casket nito at isa sa malapitang namaalam sa huling pagkakataon ay si Cavite Vice Gov. Jolo Revilla.

Nabatid na sa parehong libingan nakahimlay ang aktor na si Ramgen Revilla, isa sa mahigit 70 anak ni Revilla Sr, na pinatay noong taong 2011.

Una nang dinala mismo para sa necrological service kahapon, ang labi ni Revilla Sr. sa Senado kung saan ito nagsilbi mula 1992 hanggang 2004.

Taong 2015 nang unang maospital si Revilla Sr., at kinailangang sa intensive care unit agad dahil sa aspiration pneumonia.

Makalipas ang limang taon, muli itong isinugod sa ospital noong May 31 hanggang sa tuluyang bawian ng buhay nitong June 26 dahil sa heart failure.

Kahit tanyag sa pagkakaroon niya ng humigit-kumulang 70 anak sa iba’t ibang babae, nagbitiw ito ng pahayag noon na huwag siyang tularan dahil komplikado ang ganoong sitwasyon.