-- Advertisements --

Sa 10 presidential candidate, siyam dito ang dadalo sa PiliPinas Debates na inorganisa ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, anim na presidential candidates ang nagsumite ng kanilang written commitments habang tatlo naman ang nagsabi nang verbally na sila ay dadalo sa naturang debate.

Sinabi ni Jimenez na sina dating presidential spokesperson Ernesto Abella, labor leader na si Leody de Guzman, Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, dating Defense Secretary Norberto Gonzales, at Senators Manny Pacquiao at Ping Lacson ang nagpadala ng written commitment para sa kanilang pagdalo sa PiliPinas Debates.

Ang negosyante naman na si Faisal Mangondato, abogado at doctor Jose Montemayor Jr., at Vice President Leni Robredo ay nagpasabi na rin na sila ay sisipot din sa naturang debate.

Hindi pa naman nakakapagkumpirma sa Comelec si dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hinggil sa kanyang attendance sa debate ng Comelec hanggang kaninang ala-1:25 ng hapon.

Nauna nang sinabi ni Jimenez na ang mga kandidato na hindi dadalo sa PiliPinas Debates ay hindi papayagan na mai-ere ang kanilang electronic rally sa Comelec platform bilang consequence.