-- Advertisements --

Kumpirmadong patay ang lahat ng siyam na taong nakasakay sa isang private jet na bumagsak humigit-kumulang siyam na milya ang layo mula sa Mar-a-Lago estate ni US President Donald Trump sa Palm Beach County, Florida.

Ayon sa Federal Aviation Administration (FAA), ang sasakyang panghimpapawid na isang Learjet 60 ay bumagsak sa isang residential area malapit sa Cresthaven ganap na 12:50 ng hapon noong Linggo, Nobyembre 1.

Galing sa Austin-Bergstrom International Airport sa Texas ang naturang eroplano at patungo sana sa North Eleuthera Airport sa Bahamas nang maganap ang matinding aksidente.

Nakuha sa isang dashcam video ang mabilis na pagbulusok ng eroplano bago ito tuluyang sumalpok nang pa-unos sa lupa at agad na sumabog sa isang malaking fireball.

Inilarawan ni US Transportation Secretary Sean Duffy ang kaganapan bilang isang “horrific tragedy” habang nagpadala na ng team ang FAA upang suportahan ang imbestigasyon ng NTSB.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pagkakakilanlan sa mga nasawi habang patuloy ring inaalam ng mga awtoridad kung may mga residente sa lupa na nasugatan o naapektuhan sa insidente.