-- Advertisements --

Nakatakdang ipa-deport ang siyam na dayuhang nahulihan ng mahigit P400 milyong hindi deklaradong cash sa Mactan-Cebu International Airport na nangyari noong Mayo 9, tatlong araw bago ang 2025 midterm elections.

Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, wala ngayon sa kustodiya ng BI ang nasabing mga suspek subalit sa oras na matapos na ang kanilang criminal case, iti-turn over ang mga ito sa immigration para mapa-deport.

Sakali naman aniyang makapaglagak ng piyansa ang nasabing mga dayuhan, maaari nilang arestuhin ang mga ito dahil itinuturing silang undesirable alien.

Ayon kay Sandoval, sa 9 na dayuhan, pito sa kanila ay Chinese, isang Indonesian habang ang isa ay mula sa Kazakhstan. Humaharap ang mga ito sa mga kasong kriminal para sa paglabag sa batas kaugnay sa pag-transport at possession ng malaking halaga ng pera sa kasagsagan ng panahon ng halalan sa bansa.

Matatandaan, nasakote ng mga awtoridad ang nasa 11 na indibidwal sa Mactan-Cebu International Airport matapos tangkaing dalhin ang halos kalahating bilyong piso na halaga ng pera patungong Maynila sa pamamagitan ng private plane, subalit naharang ang mga ito nang tangkain nilang i-bypass ang x-ray screening.