-- Advertisements --

Binalaan ng Philippine National Police (PNP) ang mga negosyanteng sinasamantala ang nararanasang krisis sa langis sa bansa, kasabay ng pagkumpirma na daan-daang gas stations pa rin ang hindi makapag-operate dahil sa kakulangan ng suplay.

Batay sa ulat ng pambansang pulisya , mahigpit nilang binabantayan ang presyuhan at distribusyon ng petrolyo.

Ito ay matapos makapagtala ng mga kaso ng pananamantala habang patuloy na iniinda ng bansa ang epekto ng kaguluhan sa Middle East.

Bagama’t may ilang istasyon na ang muling nagbukas, patuloy ang kampanya ng pulisya laban sa mga ilegal na aktibidad.

Upang matiyak na may matatag na suplay, nakikipag-ugnayan na si PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa Department of Energy (DOE) at sa mga Municipal Price Coordinating Council.

Nananatili rin sa full alert status ang kapulisan, kung saan mahigit 98,000 personnel ang naka-deploy mula pa noong Marso 31.

Hinimok ng hepe ang publiko na agad ireport sa pinakamalapit na presinto, o tumawag sa 911 at opisyal na PNP hotline, sakaling may mapansing iregularidad sa pagbebenta ng petrolyo.