Nangako si Philippine National Police (PNP) chief General Jose Melencio Nartatez Jr. na ipatutupad ng pulisya ang maximum tolerance subalit umapela rin ng kooperasyon sa mga raliyista kasabay ng idaraos na ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo ngayong Lunes, Hulyo 27.
Nanawagan din ang PNP chief sa publiko na igalang ang karapatan ng bawat isa at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan ngayong araw.
Ito ay sa gitna ng inaasahang malakihang kilos-protesta mula sa multi-sectoral groups na nabigyan ng permits para makapag-rally sa mga itinalagang sites sa Commonwealth Avenue, malapit sa Batasan Complex sa Quezon City kung saan isasagawa ang ulat sa bayan ng pangulo.
Kabilang sa mga nakakuha ng rally permits ay ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at Sanlakas and Better Brighter.
Kaugnay nito, nauna nang nagpakalat ang PNP ng mahigit 20,000 pulis para bantayan ang mga pangunahing lugar bago pa man ang nakatakdang SONA mamayang alas-4:00 ng hapon.
Nauna na ring sinabi ng pambansang pulisya na papairalin nila ang lahat ng mapayapang pamamaraan para mapigilan ang mga raliyista mula sa pagsusunog ng effigies sa kasagsagan ng mga kilos-protesta.
















