Nagpahayag ng kumpiyansa ang Philippine Energy Research & Policy Institute (PERPI) sa policy direction ng Marcos Jr. administration para sa malinis na enerhiya o clean energy.
Ayon kay PERPI Executive Board Member Atty. Jay Layug, malaki ang potensiyal ng Pilipinas na makakamit ang mga layunin nito sa malinis na enerhiya, lalo na at dagsaan ang mga dayuhang mamumuhunan sa energy sector.
Unti-unti rin aniyang naaabot ang modernisasyon ng power sector sa Pilipinas, sa pamamagitan ng modernong facilities, grid equipment, at iba pa.
Ayon kay Atty. Layug, tinatayang 90% ng mga dayuhang mamumuhunan sa sektor ng enerhiya ang nakakakita ngayon ng potensyal at akmang energy policy sa Pilipinas.
Inihalimbawa ng opisyal ang paglahok ng Pilipinas sa Green Energy Auction Program (GEAP) ng DOE, na nag-aalok ng matatag na 20-year payment mechanism sa mas mababang halaga o rates.
Sa pamamagitan ng mga ito, kampante ang opisyal na kayang-kayang abutin ang target ng administrasyong Marcos na 40% renewable energy share pagdating ng taong 2030, para makapag-iwan ng mas malinis na energy sector sa mga susunod na administrasyon.
Kasabay nito, iginiit ni Atty. Layug na malaki ang papel ng solar power at ang mabilis na transisyon patungo sa mga electric vehicle (EV) upang mabawasan ang labis na pag-asa ng bansa sa petrolyo.
Aniya, ang nakalipas na mga pagtaas sa presyo ng gasolina at diesel ang nagtulak sa mas maraming Pilipino na lumipat sa mga EV. Posible aniyang nakita nila ang pagtitipid at pakinabang ng makabagong transportasyon.















