Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy na pagtutuunan ng pamahalaan ang kalusugan, pagkain at kapakanan ng mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan.
Sa kanyang vlog, ipinaliwanag ni Marcos kung paano niya inihanda ang kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA). Aniya, siya mismo ang sumulat ng unang at huling bahagi ng talumpati, habang nakipagtulungan siya sa isang team sa pagbuo at pagsasaliksik ng iba pang bahagi.
Ayon sa Pangulo, ilang linggo nilang pinaghandaan ang SONA at patuloy pa niyang inayos ang kanyang talumpati hanggang sa mismong araw ng kanyang pagharap sa Kongreso.
Tinalakay rin niya ang mga sulat mula sa mga kabataang humihingi ng mas malaking suporta para sa kalusugan at laban sa gutom, bisyo at iba pang suliranin.
Sinabi ni Pang. Marcos na kabilang sa mga programa ng gobyerno ang Walang Gutom Program, school feeding program, suporta sa dialysis patients, at iba pang serbisyong pangkalusugan.
Binigyang-diin din niya ang zero balance billing sa mga DOH hospital ward at iba pang tulong para sa mga pasyenteng nangangailangan ng gamot at gamutan.
Ayon kay Marcos, mahalagang malusog at may sapat na pagkain ang mga Pilipino upang magkaroon ng mas maayos na buhay at kinabukasan.
















