Ipinaliwanag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang dahilan kung bakit may mga isyung hindi naisama sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27.
Sa vlog na ipinost sa official facebook page ng pangulo ngayong Sabado, Agosto 8, ibinahagi ng presidente ang mga kwento sa likod ng kaniyang SONA. Sinabi ng pangulo na kinailangan niyang magbawas ng mga paksa upang hindi maging masyadong mahaba ang kaniyang talumpati.
Sa kabila nito, sinabi naman ng pangulo na ang hindi pagkakabanggit sa ilang paksa ay hindi nangangahulugang hindi mahalaga ang mga ito. Aniya, abangan na lamang ang mga hindi naisama ngayong taon sa kaniyang SONA sa 2027.
Inamin din ng Pangulo na nagkaroon ng last-minute changes habang siya ay nagtatalumpati upang mas maging malinaw at direkta ang kanyang mensahe.
Matatandaang tumagal ang ikalimang ulat sa bayan ni Pangulong Marcos ng 1 oras at 25 minuto, kaya naman tinapyasan ang iba pang isyu para sa konsiderasyon ng oras.
Ilan sa mga paksang hindi nabigyang-diin o hindi naisama sa kanyang speech ay ang batas para sa pangkalahatang umento sa sahod ng mga manggagawa sa bansa.
Hindi rin napasama ang Anti-Political Dynasty Bill sa priority measures kahit pa naipasa na ito ng Mababang Kapulungan gayundin hindi natalakay ang mga isyu ukol sa karapatang pantao at ang usapin sa International Criminal Court (ICC).















