-- Advertisements --

Naniniwala si House Prosecutor, Rep. Lorenz Defensor na ang hindi pagbanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address ay nagpapakita ng hindi panghihimasok o pakiki-alam ng pangulo sa umuusad na trial.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Defensor, sinabi niyang sapat na ang naging pahayag ni Pang. Marcos bilang kasagutan sa November 2024 Zoom Press Conference ni VP Sara kung saan ginawa ng pangalawang pangulo ang pagbabanta sa buhay ng pangulo.

Hindi aniya kailangang baggitin pa ni Pang. Marcos sa kaniyang public speeches tulad ng Ulat sa Bayan, ang kaniyang saloobin o opinion sa nagpapatuloy na impeachment proceedings, upang hindi na ito mabahiran pa ng pamumulitika.

Sa panig ng House Prosecution panel, hindi aniya mahalaga kung suportado ng pangulo o hindi ang pag-uusig kay VP Sara, dahil buo ang desisyon ng panel na usigin at litisin ang pangalawang pangulo sa umano’y nagawa niyang mga impeachable offense.

Samantala, nais din ng mambabatas na isa sa mga nagsisilbing prosecutor, na sa loob ng maikling panahon ay matapos na ang impeachment trial laban sa pangalawang pangulo.

Mas mainam aniya kung malinaw at simple lamang ang presentasyon ng mga ebidensiya at testimoniya ng mga witness upang mas madaling maintindihan ng publiko at ng mga senator-judge.

Sa kabilang banda, nanindigan din si Rep. Defensor na dapat ay mabigyan ng sapat na panahon o patas na tyansa ang mga kapwa niya mambabatas na nakakasuhan dahil sa flood control scandal.

Maaalalang una nang sinampahan ng patong-patong na kaso si Uswag Ilonggo Partylist Rep. Jojo Ang Jr. habang nabanggit din ni Pang. Marcos na malapit nang sampahan ng mga kaso ang ‘dating House Speaker’.

Ayon kay Defensor, dapat ay mabigyan sila ng tyansa na patunayang sila ay inosente kung totoo mang wala silang kasalanan, ngunit kung mapatunayang may pagkakasala ay nararapat lamang na sila’y managot.