-- Advertisements --

Arestado ang limang Koreans at apat na Filipino na mga tinaguriang cyber-criminals at hackers sa ikinasang operasyon ng PNP-CIDG sa Angeles City, Pampanga kahapon.

Ayon kay PNP Chief Gen. Debold Sinas, ang pagkaka-aresto sa mga suspeks ay isang tagumpay sa pulisya para matigil ang kanilang mga iligal na aaktibidad sa cyber space.

Sinabi ni Sinas, ang nasabing operasyon ay ikinasa ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Isinilbi ng mga tauhan ng CIDG ang tatlong warrant of arrest laban sa mga suspeks.

Ito ay ang paglabag sa RA 8484 ( Access Devices Regulation Act of 1988) as amended by RA 11449 ( An Act Providing For Additional Prohibitions to and Increasing Penalties For Violations of RA 8484.

Ang Warrant of Arrest ay inilabas ni Presiding Judge Benigno Abila ng RTC Branch 117, 3rd Judicial Region ng Angeles City, Pampanga.

Kinilala ni Sinas ang mga naaresto na sina Lee Sungbo aka Seven, Korean; John Michael Dimaampo, Filipino; Yoensu Yoon, Korean; Junguk Lee, Alyssa Payabyab-Lee; Maiko De Luna, John Patrick Sotto Gonzales at Bong Baja Garcia; Lee Jaehun at Song Gil Sung.

Sinabi ni PNP Chief na karamihan sa mga nabiktima ng mga suspeks ay mga Korean nationals at US citizens.

Ayon kay Sinas ang modus ng grupo ay itinuturing na economic sabotage kung saan milyon milyong halaga ng pera ang kanilang nakuha mula sa kanilang iligal na aktibidad.

Kasalukuyang nakakulong sa CIDG Angeles City Field Unit ang mga suspeks habang hinahanda ang kasong isasampa laban sa mga ito.