LAOAG CITY – Naghihinagpis ang pamilya ng siyam na taong gulang na bata matapos mamatay dahil natuhog ito sa pinutol na puno ng ipil-ipil nang mahulog mula sa inakyat na puno ng papaya sa Brgy. Tubburan, Bacarra, Ilocos Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Lt. Melvin Trinidad, deputy chief of police ng PNP Bacarra, inakyat umano ng biktima ang halos 15-feet na puno ng papaya para kumuha ng bunga na pangsahog sa ulam nilang tinola.
Sinabi nito na umano’y nadulas ang biktima mula sa puno ng papaya dahilan para mahulog ito at eksaktong bumagsak ang dibdib sa naputol at patulis na kahoy ng ipil-ipil.
Lumalabas na muntik pang tumagos ang tumusok na kahoy sa dibdib pupunta sa likod ng biktima.
Ayon kay Trinidad, agad namang dinala ang biktima sa Bacarra Medical Center at inilipat sa provincial hospital ngunit namatay ang bata habang ginagamot ng mga doktor.
Nabatid na umulan sa nasabing bayan kaya madulas ang paligid lalo na ang puno ng papaya.