CAGAYAN DE ORO CITY – Personal na umapela sa publiko at sa kanilang mga nasasakupan ang officer-in-charge ng Naawan, Misamis Oriental matapos mahawaan ng coronavirus ang kanyang ama na nagsisilbing bisi-alkalde sa nasabing munisipalidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo, umapela si OIC Mayor Allan Roa sa lahat ng nakasama ng kanyang ama na sumangguni sa kanilang health centers at magpa-test.
Sa ngayon, inamin ni DOH-10 regional director Dr. Adrian Subaan na nahihirapan sila sa pag-contact trace sa mga taong na-expose sa nagpositibong bise alkalde.
Nagdeklara na ang DOH-10 ng local transmission sa nasabing lugar matapos karagdagang dalawang kasamahan ng vice mayor ang bagong naitalang case infection.
Ang 80-anyos na bise alkalde ay kasalukuyang nagpapagamot sa Northern Mindanao Medical Center.