Walong senior police officials ang kabilang sa panibagong balasahan na ipinatupad ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y kasunod ng pagreretiro sa serbisyo ni Maj. Gen. Amador Corpus nitong nakalipas na October 3.
Epektibo October 7 ang designation ng walong senior police officials sa kanilang bagong assignment.
Sa inilabas na dokumento ng Camp Crame, itinalaga bilang director ng Police Regional Office- 3 o Central Luzon PNP si P/BGen. Valeriano De Leon.
Papalitan ni De Leon si Brig. Gen. Rhodel Sermonia na inilagay bilang bagong direktor ng Directorate for Police Community Relations (DPCR).
Mula sa DPCR, ililipat naman si Maj. Gen. Dionardo Carlos sa Directorate for Integrated Police Operations o DIPO Southern Luzon.
Mayroon na ring bagong hepe ang Integrity Monitoring and Enforcement Group o IMEG na si Brig. Gen. Benjamin Acorda na nagmula sa Directorate for Intellegence (DI).
Mula naman sa IMEG, uupo naman si Brig. Gen. Ronald Lee na kapalit sa nabakanteng puwesto ni Corpus bilang pinuno ng Directorate for Human Resource and Doctrine Development o DHRDD.
Papalit kay Acorda sa Directorate for Intelliigence si Brig. Gen. Adolfo Samala mula sa Directorate for Plans na papalitan din naman ni Brig. Gen. Eliseo Cruz buhat sa Highway Patrol Group.
Habang ang papalit kay Cruz sa HPG ay si Brig. Gen. Alexander Tagum na nagmula naman sa Office of the Chief PNP.
Ito na ang pang anim na reshuffle na ipinatupad ni PNP chief Gen. Camilo Cascolan simula ng maupo sa pwesto noong September.
Una nang pinaalalahan ni Cascolan ang lahat ng mga regional directors at commanders na dapat maramdaman ang kanilang presensiya ng kanilang mga tauhan para maging epektibo ang mga ito sa kanilang trabaho.
Ayon kay Cascolan, ang panibagong rigodon sa hanay ng PNP ay bahagi ng pagsasa-ayos sa organisasyon gaya ng pagtatalaga ng tamang tao sa bawat yunit ng PNP.