
Hawak na ng Philippine authorites ang walong ASG members na inaresto ng Malaysian authorities sa Sabah.
Nitong nakalipas na Biyernes May 28, 2021 pormal na tinurn-over ng Malaysian police authorities sa Philippine gov’t troops ang mga suspek.
Personal na tinanggap ni Joint Task Force Tawi-Tawi/Naval Task Group Tawi-Tawi/ 2nd Marine Brigade commander, B/Gen Arturo Rojas ang walong local terrorists sakay sa Philippine Navy vessel BRP Ivatan (LC298) sa karagatan ng Bakungan, Turtle Island, Tawi-Tawi malapit sa border sa pagitan ng Malaysia at Pilipinas.
Kasama ni Rojas sa pagtanggap sa walong ASG members sina Taganak Mayor Mohammad Faizal Jamalul, mga tauhan ng Tawi-Tawi Provincial PNP, CIDG, at Bureau of Immigration.
Personal din itong tinanggap ng mga mga opisyal ng militar na nakabase sa Sulu sa pangunguna ni Colonel Hernanie Songano, commander ng Naval Task Group Sulu at 4th Marine Brigade.

Sa panig naman ng Malaysian authorities pinangunahan ito ni ESSCOM commander Gen. Datuk Ahmad Fuad Othman, Deputy ESSCOM commander Brig. Gen. Adnan, Senior Assistance Commissioner Gen. Zaki Mohd Zain, at chief of colice Gen. Hazani Ghazali.
Sa mensahe ni Gen. Datuk, binigyang-diin nito na kaisa ng ESSCOM ang AFP para tuldukan ang problema sa terorismo, kaya gagawin nila ang lahat para mapigilan ang planong terroristic activities ng teroristang grupo.
Nagpasalamat naman ni Gen. Rojas sa suporta ng ESSCOM sa matagumpay na pagkakaaresto sa mga terorista.

“With our unique partnership comes great and significant endeavors. Our intelligence collaboration works and this is a manifestation of a successful anti-terrorism drive with our neighbors,” pahayag ni Rojas.
Agad namang ibiniyahe ng militar ang mga ASG personalities patungong Sulu.
Ayon kay JTF Sulu Commander MGen. William Gonzales isasailalim sa COVID-19 testing at quarantine protocols ang mga ito.
Sinabi naman ni Wesmincom commander Lt.Gen. Corleto Vinluan, na ang mga nasabing terorista ay nakapag-establish na ng community cell sa squater area sa Jalan Taman Sri Arjuna.
Si ASG sub-leaders Sansibar Bensio at mga miyembro nito na sina Muayyar Binda at Lugah Sanchez ay sangkot sa maraming labanan sa mga sundalong Marines sa Bud Bawis Complex, Panamao.
Ibinunyag ni Vinluan na may plano sanang maglunsad ng kidnapping activities sa Sabah ang grupo ni Bensio.
















