-- Advertisements --

Hindi makakaapekto sa kaso ng House prosecution laban kay Vice President Sara Duterte ang hindi pagharap sa witness stand ni Edward Fajarda, dating special disbursing officer ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay lead prosecutor Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, tinanggap ng depensa ang karamihan sa mga stipulation na nais sanang patunayan ng prosecution sa pamamagitan ng testimonya ni Fajarda.

Dahil dito, hindi na igigiit ng prosecution ang pagharap ni Fajarda sa pagdinig habang nagpapagaling ito mula sa stroke at iba pang karamdaman.

Kabilang sa mga napagkasunduang facts ang paghawak ni Fajarda sa confidential funds ng DepEd at mga kaugnay na dokumento, kabilang ang pag-encash ng tatlong tseke na tig-P37.5 milyon noong 2023. Kasama rin dito ang mga certification at report na may lagda ni VP Sara Duterte.

Ang natitirang hindi napagkasunduan ng dalawang panig ay ang terminong gagamitin sa paglalarawan sa pagbibigay ni Fajarda ng pera kay security officer Col. Dennis Nolasco kung ito ay “transfer” o “disbursement.”

Sinabi naman ni prosecutor Rep. Joel Chua na halos lahat ng impormasyong nais nilang makuha mula kay Fajarda ay naisama na sa mga stipulation na tinanggap ng depensa.

Samantala, sinabi ni Luistro na nakasaad sa medical certificate ni Fajarda na mayroon siyang infarct, hypertension at diabetes at pinayuhang magpahinga pa nang 30 araw.

Dahil dito, binawi ng prosecution ang kahilingan nitong obligahin si Fajarda na humarap sa pagdinig. Iniutos naman ni presiding officer Senator Francis Escudero na bawiin ang subpoena laban sa kanya.

Ayon kay Luistro, isinasaalang-alang ng desisyon ang kalagayan ng kalusugan ni Fajarda, habang napreserba naman ng mga napagkasunduang facts ang mahahalagang impormasyong nais patunayan ng prosecution.