-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine Embassy sa Indonesia na ligtas at walang dapat ipangamba ang mga kaanak ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa naturang bansa, sa kabila ng patuloy na paglawak ng mga forest fire doon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Second Secretary at Consul Sheila Mae Briones na hindi gaanong nakararanas ng haze o makapal na usok ang mga nasa Jakarta mula nang maitala ang malaking sunog sa mga kagubatan.

Paliwanag ni Briones, malayo ang kabisera sa eksaktong lokasyon ng sunog, at ang kasalukuyang direksyon ng hangin ay papalayo sa kanilang kinaroroonan.

Dahil sa umiiral na hanging habagat, mas apektado pa umano ang mga karatig-bansa at ilang bahagi ng Pilipinas kaysa sa kinaroroonan ng karamihan sa mga Pinoy sa Indonesia.

Tiniyak naman ng embahada na patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon at nakahandang magpaabot ng mabilis na tulong sakaling lumawak pa ang sunog at maapektuhan ang iba pang lugar na may konsentrasyon ng mga Pilipino.