NAGA CITY- Patay na at walang pang-ibabang saplot nang matagpuan ang katawan ng walong taong gulang na bata sa Barangay Masin Sur, Candelaria sa probinsya ng Quezon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Executive Master Sergeant Edwin Umali , ng Candelaria PNP sinabi nito na naglalaro lamang sa likod ng kanilang bahay ang bata nang bigla na lamang itong nawala.

Ayon kay Umali, agad na nagreport sa kanila ang pamilya ng bata dahil pinaniniwalaang kinuha ito ng puting van na nangunguha umano ng internal organs upang ipagbili, ngunit makalipas lamang ang ilang oras sumuko na sa mga otoridad ang suspek na si Ricardo Bongalogoses 55-anyos residente ng nasabing lugar at inamin ang ginawang krimen.

Ayon pa kay Umali, kinumpirma rin ng suspek na ginahasa niya muna ang biktima bago sinakal hanggang sa mamatay.

Hindi pa nakuntento ang suspek, itinapon pa nito sa masukal na parte ng likod ng bahay nito ang katawan ng biktima.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa naturang krimen.