CEBU CITY – Nasa ligtas na kalagayan ang halos 300 na indibidwal mula sa Brgy. Ibo, lungsod ng Lapu-Lapu, matapos na tinamaan ng malaking alon ang 76 na kabahayan.
Ayon kay Ibo Brgy. Councilor Leo Yape na sinira ng storm surge ang mga bahay mula sa coastal area ng Sitio Apro nang manalasa ang tropical depression “Vicky” sa Cebu nitong madaling araw.
Malaki ngayon ang pasasalamat ng konsehal dahil kaagad na rumesponde ang emergency team mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa mga apektadong residente kaya walang lubhang nasaktan.
Nagbigay naman ng agarang tulong ang alkalde ng lungsod na si Junard “Ahong” Chan sa mga naapektuhang residente gaya ng komportableng higaan, food packs at non-food packs at kasalukuyang nagpapahinga sa Ibo Elementary School.
Pinapabilis ngayon ni Chan ang construction ng social housing project sa Canjulao upang mabigyan ng tirahan ang mga apektadong residente.