Aabot sa 745 pamilya mula sa 11 barangay sa Quezon City ang inilikas ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office ngayong araw dahil sa pagbuhos ng ulan dulot ng habagat.
Sa isang statement, sinabi ng QC government na nakataas ang Orange Alert status sa QCDRRMO at nagsagawa rin sila ng ilang search at rescue operation sa mga low-lying barangays kabilang na ang Apolonio Samson, Bagong Silangan, Tatalon, Doña Imelda, Roxas, Batasan Hills, Masambong, Sta. Monica, Kristong Hari, Damayang Lagi, at Holy Spirit.
Simula noong Miyerkules, nagsagawa ang QCDRRMC ng council plannings at meetings para matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa mga low-lying areas.
Naka-preposition na rin ang mga bangka at iba pang mga rescue operation sakali mang kakailanganin ang mga ito.
Bukod sa QCDRRMO, nasa evacuation centers din ang City Social Services Development Department para matiyak na natutugunan ang mga pangangailangan ng mga evacuees.
Samantla, ang QC Health Department naman ay tinitiyak din na nasusunod pa rin sa mga evacuation areas ang COVID-19 health at safety protocols.















