-- Advertisements --

Inaasahan ang maulap na papawirin at panaka-nakang pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat sa ilang bahagi ng bansa ngayong Martes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa inilabas na 4 a.m. public weather forecast ng state weather bureau sinabi nito na umaabot sa Northern at Central Luzon ang ridge ng high pressure area (HPA).

Ito ay binubuo ng malamig at tuyong hangin na pumipigil sa pagbuo ng malalaking ulap, kaya nababawasan ang posibilidad ng malawakang pag-ulan.

Gayunpaman, maaaring makaranas ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ng localized thunderstorms na magdudulot ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan o pagkidlat-pagkulog.

Samantala, makararanas din ang Northern at Central Luzon, pati na ang nalalabing bahagi ng bansa, ng mahina hanggang katamtamang lakas ng hangin at banayad hanggang katamtamang kondisyon ng karagatan.

Pinapayuhan ng weather bureau ang publiko na manatiling alerto, lalo na sa mga posibleng biglaang buhos ng ulan at thunderstorms.