Naiulat na apat na indibidwal ang nasugatan matapos yanigin ng lindol na may lakas na 5.1 magnitude ang Lungsod ng Bogo kahapon ng hapon, Abril 6, 2026.
Kinumpirma ito ni Carlo Logarta, City Planning Officer ng Bogo City. Ayon sa kanya, isang tao ang nasugatan dahil sa nabasag na salamin sa isang tindahan, isang naglalakad ang hinimatay, habang isang estudyante naman ang nawalan ng malay.
May ulat din na isang indibidwal ang nahulog mula sa puno o hagdan habang nagaganap ang insidente.
Gayunpaman, walang naitalang malaking pinsala sa mga imprastraktura sa lungsod.
Naglabas ng pahayag ang acting governor na si Vice Governor Glenn Anthony Soco na kanilang tinutugunan ang trauma ng mga residente at mahigpit na minomonitor ang mga aftershocks at kondisyon ng Bogo City.
Hinikayat din niya ang mga Cebuano na magpatuloy sa kanilang normal na pamumuhay at magdasal para sa kaligtasan ng lahat.
















