Pitong katao ang naitalang patay makaraang tumagilid ang isang pampasaherong jeep na nabangga muna ng isang pickup truck bago salpukin ng isa pang truck sa bayan ng Lubao, Pampanga.

Batay sa inisyal na ulat mula sa pulisya, binabagtas ng jeep ang daan nang mabunggo ito ng papatawid na pickup, dahilan para mawalan ito ng balanse.

Bagama’t nakaandar pa ang jeep, patagilid na ang kilos nito patungo sa kabilang linya nang kalsada hanggang sa mabangga na ito ng kasalubong na truck.

Nasa kustodiya naman ng mga pulis ang driver ng pickup na si Alexander Domingo.

Depensa ni Domingo, matulin daw ang takbo ng jeep at hindi niya na raw ito napuna kaya niya nabangga.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.