-- Advertisements --

ILOILO CITY – Pitong kasapi ng New People’s Army ang sasampahan ng kaso dahil sa pagpatay sa isang police personnel sa Brgy. Teniente Benito, Tubungan, Iloilo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Lt. Jose Rommel Samson, hepe ng Tubungan Municipal Police Station, sinabi nito na pawang mga lalaki ang kasapi ng rebeldeng grupo na sasampahan ng kaso ngayong linggo.

Ayon kay Samson, hinihintay na lang ang resulta ng autopsy sa bangkay ni Police Master Sergeant Arnel Paurillo, 42, ng Brgy. Bongol San Vicente, Guimbal, Iloilo, assigned sa Tubungan Municipal Police Station at sa Provincial Drug Enforcement Unit ng Iloilo Police Provincial Office.

Napag-alaman na si Paurillo ay pinagbabaril-patay ng apat na suspek na nagpakilalang mga rebelde habang nasa loob ng bahay ng kanyang kaibigan sa Brgy. Teniente Benito sa bayan ng Tubungan.