CAUAYAN CITY – Nagpapagaling pa rin sa pagamutan ang isang pamilya matapos umano silang ma-food poison kagabi sa Barangay Sta. Luciana, Cauayan City.
Ang mga biktima ay si Johnny Salgado, 45-anyos na magsasaka; misis na si Elizabeth Salgado, 41; kanilang anak na sina Christropher, 16; Daisy, 15; Jaypee, 12; limang taong gulang na kambal na anak na sina Angelo at Angela, pawang residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Elizabeth, sinabi niya kumain ang mga biktima ng kanin at ulam na isdang tilapia.
Patay na raw ang mga isda nang mabili ng ginang.
Gayunman, matapos ang ilang minuto ay nakaranas na umano ng pananakit ng tiyan at pagduduwal ang mga biktima na agad namang dinala sa pagamutan ng rescue 922 para malapatan ng lunas.
Ayon pa sa misis, bagong luto naman ang kanilang kinain sa dinner ngunit may hinala siya na ang tilapia ang sanhi ng kanilang pananakit sa tiyan.