Kumpirmadong dadalo ang kabuuang 7 European leaders para sa inaabangang muling pagpupulong sa pagitan nina US President Donald Trump at Ukrainan President Volodymyr Zelensky sa Washington DC, Lunes, local time.
Kabilang sa mga dadalo ay sina French President Emmanuel Macron, German Chancellor Friedrich Merz, British Prime Minister Keir Starmer, Italian Prime Minister Giorgia Meloni, European Commission President Ursula von der Leyen, Finland President Alexander Stubb at North Atlantic Treaty Organization (NATO) Secretary General Mark Rutte.
Ayon kay Macron, ipagpapatuloy nila ang pakikipagtulungn sa pagitan ng Europeans at Amerika sa layuning makamit ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan na magpre-preserba sa mahalagang interes ng Ukraine at seguridad ng Europa.
Sinabi naman ni Merz na tatalakayin niya ang estado ng ginagawang peace efforts sa Ukraine kasama ang iba pang attendees at igigiit ang interest ng Germany para sa agarang peace agreement.
Pinuri naman ni Starmer ang pagnanais ni Zelensky para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan at kinumpirma ang kaniyang pagbiyahe patungong Washington para dumalo sa pulong.
Samantala, malugod namang tinanggap ni Zelensky ang makasaysayang desisyon ni Trump na mag-alok ng security guarantees para sa Ukraine sakaling mapagkasunduan ang peace deal sa Russia.
Ito ay matapos sabihin ng special envoy ni Trump na pumayag si Russian President Vladimir Putin na palakasin ang security guarantees para sa Ukraine kabilang ang posibleng NATO-style defense arrangement.