Kinondena ng pitong bansa at ng self-ruled island na Taiwan ang pambobomba ng water cannon at paggitgit ng barko ng Chinese Coast Guard (CCG) sa barko ng Pilipinas malapit sa Pag-asa Cay 2 o Sandy Cay noong Miyerkules, Mayo 21.
Maliban sa Taiwan, kabilang sa mga bansang agad na nagpahayag ng pagkondena sa panibagong panghaharass ng China ay ang Japan, Amerika, United Kingdom, Australia, Canada, Netherlands, New Zealand at European Union.
Sa pambihirang public statement mula sa Taiwan na inaangkin din ng China bilang parte ng kanilang teritoryo, inihayag ng Foreign Ministry nito na lubha silang nababahala sa mapanganib na aksiyon ng China Coast Guard laban sa civilian vessels ng Pilipinas.
Nanindigan din ang Taiwan sa pagsuporta nito sa Pilipinas at hinimok ang lahat ng partido na pairalin ang kahinahunan at resolbahin ang hidwaan sa mapayapang paraan.
Kapwa pinuna din nina US Ambassador to the PH MaryKay Carlson at Australian Ambassador KH Yu ang reckless actions ng Chinese vessel at sinabing nilagay nito sa panganib ang mga buhay at stability sa rehiyon.
Inilarawan naman ni UK Ambassador Laure Beaufils ang insidente bilang “worrying excalation of behviour” habang inihayag naman ng Ambassador ng Japan na nababahala din ito sa mapanganib na aksiyon ng China kabilang ang paggamit nito ng water cannons.
Naglabas din ng kanilang pahayag ang EU, Netherlands, Canada at NZ na nagpapahayag ng kanilang pagkaalarma sa panghaharass sa civilian vessels ng Pilipinas.
Una rito, kinumpirma ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa isang statement ang insidente kung saan dalawang beses na binombahan ng water cannon at ginitigit ng CCG vessel 21559 ang barko ng BFAR na BRP Datu Sanday na nagdulot ng pinsala sa port bow at smokestack ng huli at nalagay sa panganib ang buhay ng mga lulan nitong civilian personnel.
Nagsasagawa noon ang BRP Datu Sanday kasama ang BRP Datu Pagbuaya ng routine sampling at nangongolekta ng datos para sa food security, fisheries management at marine environmental protection programs nang maka-engkwentro nila ang mga barko ng China.
Sa kabila ng agresibo, mapanganib at iligal na aksiyon ng barko ng China, nagawa namang makumpleto ng scientific team ng Pilipinas ang kanilang misyon sa Pag-asa Cays 1,2 at 3.