Arestado ang pitong indibidwal na sangkot sa pagdukot sa isang Chinese sa ikinasang operasyon ng PNP-Anti-Kidnapping Group sa may Roxas Blvd, Parañaque City bandang alas-11:50 kagabi.
Ayon kay PNP AKG Spokesperson Police Major Rannie Lumactod, anim na Chinese at isang Pinoy na kasabwat nila ang nahuli ng mga tauhan ng AKG.
Sinabi ni Lumactod, nagsimula ang operasyon matapos magsampa ng reklamo ang live-in partner ng biktima na nanghihingi umano ang mga suspek ng P84,000 kapalit ng kalayaan ng biktima.
Batay sa report, July 16 nang mawala ang biktima na isang POGO worker at sapilitan umanong pinagtatrabaho sa kabila ng kwestiyonableng kontrata.
Kasalukuyang nasa nasa AKG detention facility sa Camp Crame ang mga suspek na nahaharap sa kasong kidnap for ransom.
Nasa maayos naman na kalagayan ang narescue na biktima.
Sa kabilang dako, isa pang Chinese ang narescue ng AKG sa Don Carlos, Revilla, Pasay City kagabi.
Wala namang suspek na nahuli sa nasabing operasyon.