-- Advertisements --

ILOILO CITY – Hiniling ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) team ng Iloilo City Government sa mga magulang na iwasang makipaglaro ang mga bata lalo na ang mga nakatira sa highly populated area.

Ito ay kasunod ng pagpositibo sa COVID-19 ng isang pitong taong gulang na bata sa Barangay Bolilao, Mandurriao, Iloilo City at nahawa rin ang mga kalaro nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mr. Jeck Conlu, COVID-19 spokesperson ng Iloilo City Government, sinabi nito na dinala sa ospital ang bata matapos nagtamo ng sugat dahil sa paglalaro at dahil may protocol, isinailalim ito sa COVID test kung saan positibo ang naging resulta.

Ayon kay Conlu, sa isinagawang contact tracing, nagpositibo rin sa virus ang pamilya at ang playmates ng bata.

Lumalabas naman na ang pasyente ay maaaring nahawaan lang ng mga kasama nito sa bahay.