-- Advertisements --

Umuwi na sa bansa noong Sabado ang 64 South Koreans na na-detine sa Cambodia dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga operasyon ng online scam, ayon sa mga awtoridad ng South Korea.

Ang kanilang pagbabalik ay kasunod ng pagpatay sa isang South Korean na estudyante sa kolehiyo noong Agosto, na pinaniniwalaang biktima ng employment scam sa Cambodia.

Pagdating nila sa Incheon Airport sa Seoul, ilan sa mga pinauwi ay nakasuot ng sombrero at maskara, at may mga posas na tinakpan ng tela habang sinasamahan ng mga pulis.

Kamakailan ay naglabas ang pamahalaan ng South Korea ng “code-black” travel ban sa ilang bahagi ng Cambodia at nagpadala ng mga opisyal upang tulungan ang mga mamamayan nitong naloko at napilitang magtrabaho sa mga scam compound.

Tinatayang higit 1,000 South Koreans ang kabilang sa humigit-kumulang 200,000 katao mula sa iba’t ibang bansa na nasasangkot sa mga scam operations sa Cambodia, ayon sa National Security Adviser na si Wi Sung-lac.

Iniutos narin ni President Lee Jae Myung ang agarang pagtanggal ng mga iligal na online job ads hindi lang sa Cambodia kundi sa buong South East Asian upang maiwasang malinlang ang mga mamamayan.

Batay sa United Nations, ang mga scam center sa South East Asian ay kumikita ng bilyun-bilyong dolyar kada taon mula sa mga online at phone scam na biktima ang mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo.