Naitala sa 6.6-percent ang case fatality rate ng coronavirus disease (COVID0-19) sa Pilipinas, ayon sa ulat ng Department of Health (DOH).
Sinabi ni Health Usec. Lilibeth David sa virtual meeting ng COVID-19 Commitee Technical Working Group on Health na malaking porsyento ng mga naitalang patay sa bansa bunsod ng pandemic virus ay nasa pagitan ng edad 50-anyos pataas.
“Most of our confirmed cases and admitted cases are those in the working age group and older, 20-years (old) and above; but if we look at our deaths, it’s really the older persons group from 50-years old and older,” ani David.
Batay sa global data ng World Health Organization nitong April 15, higit 1.9 milyon na ang confirmed cases ng COVID-19 sa buong mundo.
Ang Estados Unidos pa rin daw ang nangunguna sa may pinaka-maraming kaso na nasa higit 570,000.
Naitala ang global case fatality rate sa 6.4-percent.
“This is superseded by Italy with 12.9% case fatality rate and Spain at 10.5% CFR and Indonesia with 9.4% CFR. The Philippines in comparison has a case fatality rate of 6.6%,” ani Usec. David.
Sa rehiyon ng Southeast Asia, Pilipinas na raw ang may pinakamaraming nag-positibo sa sakit.
Parehong nasa 0.28-percent ang rate sa confirmed cases at confirmed death ng Pilipinas.