Siniguro ng Department of Interior and Local Government (DILG) na sa mga susunod na araw ay makakapag-hire na sila ng 50,000 pang contact tracers para mapadali ang pagtunton sa kinaroroonan ng mga indibidwal na mayroong Coronavirus disease 2019 (COVID-19) maging ang mga personalidad na hinihinalang may sintomas nito.
Ayon kay Interior Sec. Eduardo Ano, sa ngayon ay nasa 238,000 na ang bilang ng mga na-hire na contact tracers.
Pero sinabi ni Ano na ang mga bagong contact tracers ay maide-deploy sa mga region na may matataas pa rin na kaso ng covid.
Pipiliin umano ang mga iha-hire na contact tracers kada probinsiya pero sila ay maipapadala sa ibang rehiyon kung saan sila kailangan.
Una nang sinabi ni Ano na ang 20,000 contact tracers ay maide-deploy sa Luzon, 15,000 sa Visayas at 15,000 naman sa Mindanao.
Una rito, sinabi ni DILG Usec. Jonathan Malaya na priority nilang i-hire ang mga nawalan ng trabaho at may kaalaman na rin sa Coronavirus disease.